EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Magandang gabi po sa inyong lahat. Sa mga hindi po nakakakilala sa akin, ako po yung bunsong anak ng tatay na lalaki na nakatira sa Singapore. Sa totoo lamang po, mahirap magsalita sa harapan sa mga oras na ito, siguro marahil ganun po talaga pagdumating ang panahon na naiwan tayo ng mga taong mahalaga sa atin. Nawawalan tayo ng mga sasabihin. Pero ganun pa man, pipilitin kong magbigay ng huling salita para sa tatay mula sa amin ng mga inay, ate vangie, ate ellen, ate pilar at ate irene… kasama ang aming mga asawa at mga anak na maiiwan ng tatay.

Dahil mahilig akong gumawa ng mga kwentong buhay sa facebook… siguro magandang gumawa din ako ng kwento para sa tatay. Bibigyan ko ito ng pamagat na: Si Pareng Talino sa mga mata ni Erniebol. Kapag niloloko ko ang tatay at ang inay tawag ko sa kanila ay Pareng Talino at Kumareng Esing at dahil kinalakhan ko din na tawag sa akin ng mga tao dito ay ERNIE kya Ernibol na sabi ng nanay ay Ernibol Pito ang bulbol. hahaha!

Title: Si Pareng Talino sa mga mata ni Erniebol.

Noong mamatay ang tatay, tinawagan ako ng isang kaibigan para kalamayin ang aking kalooban.. tinanong nya ako kung ano ang mga magagandang ala-ala na maiiwan sa akin ng tatay. Jusko po!!! muntik na akong himatayin eh!!! daig pa ang exam sa tanong… ang hirap sagutin. hahahaha.. Aba’y para wala akong maalala eh!

Lagi kong nadidinig sa mga tao pagumuuwi ako dito sa atin na napaka-swerte ng aming pamilya dahil siguro lahat kaming magkakapatid ay nasa ibayong dagat at pawang nagtatrabaho. Ngunit ganun pa man, hindi naman perpekto ang aming pamilya, marami din kaming mga kakulangan at mga kahinaan sa buhay. Pero sinisikap namin na maging mapabuting pamilya sa turo ng aming magulang. 

Pag nagiisip ako nga mga ala-ala ng tatay, ito ang ilan sa mga ala-ala na hindi ko malilimutan.
  • Talino ang pangalan ng tatay…kaya naman saksakan ng Talino sa mga kalokohan... noong nsa elementary pa sina ate ellen, nagpa-drawing ito ng aso sa tatay… noong matapos ang drawing ng aso.. Aba’y walang paa.. Sabi ni ate ellen.. “Nasaan ho ang paa ng aso?” Sagot ng tatay: “Abay nalipad eh.. paano magkakaroon ng paa kung nalipad…” Ayun ihit sa iyak si ate ellen. hahaha.
  • noong bata pa kami laging nagsisigarilyo ang tatay… tapos tatawagin nya ako pagnaubos ang kanyang sigarilyo: OTO!!!! kunin mo nga ang sigarilyo ko sa higaan ko! Eh medyo may kalikutan din ang pagiisip ko noong bata kaya gagawin ko kukunan ko ng mga limang sticks ng yosi tapos itatapon ko sa saingan. pagkatapos ibibigay ko sa kanya ang pakete ng yosi… tapos sasabihin nya: “Aba’y bakit ang bilis maubos ng sigarilyo ko?” Eh ako naman sasabihin ko… “Aba’y malay ko sa inyo… kayo naman ang gumagamit nyan. hehehehe
  • mahilig sa panabog na manok ang tatay… naku pag aalis ang tatay sa bahay sasabihin sa akin patukain ko daw ang manok nya. Eh ayaw na ayaw ko ng panabong na manok… kaya naman pagpinapatuka ko ang mga panabong nyang manok… nilalagayan ko ng sili… hahaha… ay naku po…mas nakakapatapang ng manok yun eh… sa halip na matalo eh nanalo pa ang kanyang manok.
  • pag-inuubo ang tatay.. ganito ang hitsura nya… yung dalahit ang ubo tapos sabay ang malakas na utot… tapos sasabihin nyang “weh!” sabay bugaw sa aso. 

Marami pang mga alaala ang tumatakbo sa aking isipan ngayon pero kung iisa-isahin ko baka siyaman na eh hindi pa ako natatapos dine kya konting ala-ala na lamang muna.

Pag-iniisip ko ngayon yung malakas ng utot ng tatay pag inuubo, ang bisekleta nyang ginagamit araw-araw, ang pag-to-to-tong-its nya, ang pagsigaw nya kung may gusto nyang gamit para kunin na nasa tabi lamang naman nya… bigla akong nalulungkot dahil alam kong kailan man hindi na ulit ito mangyayari… wala na ang tatay… wala na si pareng talino… masakit isipin na mamaya paguwi namin sa bahay… hindi na namin makikita ang tatay… hindi man lang siya naihatid ng inay, ate ellen at ate irene sa kanyang huling himlayan. Pero ganun pa man ang isang aral na hindi makakalimutan na laging sinasabi ng tatay sa akin: “Habang buhay pa ay lagi kayong magmahalan magkakapatid at mahalin ninyo lagi ang inyong mga asawa!”

Masakit paginiisip ko ang pagyao ni pareng Talino pero alam kong sakabila ng kalungkutan na ito na aming nadarama ngayon ang tatay ngayon ay tulad ng isang ibon na payapang lumilipad kalangitan. 

Tatay, hindi man namin lagi itong sinasabi sa isa’t-isa pero hayaan ninyong sabihin ko ito sa kasama ng buong pamilya natin na mahal na mahal namin kayo at patuloy namin kayong aalalahanin hanggang sa huling hininga namin. 

#tatay
#erniebol
#arcega
#paalam
#eulogy



Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

Pamahiin