Mamasko po
Magpapasko na naman. Iba na ang simoy ng hangin sa paligid. Alam ko namang hindi umuulan ng nyebe dito sa kung saan ako nakatira ngayon, pero sa tuwing sasapit ang kapaskuhan nag-iiba ang simoy ng hangin. Ito nga siguro ang hiwaga ng pasko. Ang ngiti ng mga tao sa paligid na kahit hindi naman Kristiyano ay nandoon ang sigla sa kanilang mga mata na paparating na ang pasko.
Habang ako ay naka-upo sa isang sulok at minamasdan ang paligid bigla akong natigilan: Kailan ba ako nagpasko kasama ang aking tatay, inay, at mga kapatid? Sa isang iglap bigla akong dinala sa panahon ng aking kamusmusan. Naalala ko pa dati noong bata pa kami na tuwing sasapit ang Disyembre araw-araw kaming nag-ka-karoling ng mga pinsan ko. Iisa-isahin namin ang mga bahay sa aming purok na pawang mga pinsan din naman namin. Hindi mahalaga kung tama o mali sa tono ang pagkanta basta ang importante kakanta kami ng walang humpay hanggang abutan kami ng piso o minsan pagsinusuwerte may limang piso. Uulitin namin ito araw-araw hangang mag-pasko.
Malamig ang simoy ng hangin sa baryo namin tuwing Disyembre kaya tuwing sasapit ang simbang gabi ay pahirapan gumising ng madaling araw. Naalala ko pa ang paglalakad namin sa gitna ng bukid tuwing alas kwarto ng madaling araw para pumunta sa kalapit na kapilya. Yung naglalakad sa sobrang dilim na daan na ang tanging tanglaw ay ang malawak na kalangitan na puno ng mumunting kutitap ng bituin na may minsan ay may kasama pang pagdaan ng bulalakaw. Siyam na araw na uulit-ulitin pero kahit gaano kalamig ang simoy ng hangin hindi ito nagiging hadlang para umattend kami ng simbang gabi. Pagkatapos ng simbang gabi ay hihiling na sana may hamon at mansanas sa hapag sa darating na kapaskuhan.
Noon wala kaming pambili ng Christmas tree. Naalala ko dati na yung sanga ng kahoy ay babalatan namin tapos pipinturahan ng kulay puti at dahil wala din kaming pambili ng kendi para isabit sa bawat sanga ng Christmas tree, yung balat ng viva, storks, lips at iba pang kendi ay lalagyan namin ng bato at saka yun ang isasabit namin na dekorasyon sa Christmas tree. Simple lang pero ibang saya ang idinudulot nito sa amin. Alam mong pasko na kahit kapirasong sanga nakalagay sa lata ng pineapple juice na binalutan ng crepe paper ang aming Christmas tree.
Sa tabi ng Christmas Tree nakasabit ang butas naming medyas na nangangarap na lalagyan ni Santa ng munting aguinaldo. Isang araw nakita ko si Santa na bumisita sa aming bahay. Madaling araw na yun noong dahan dahan siyang lumapit sa aming medyas at nilagyan ng kendi ang bawat isa. Hindi siya naka pulang suot at walang reindeer na kasama, bagkus naka-duster lang siya na puno ng ngiti habang isinisilid nya ang mga kendi sa loob ng aming butas na medyas. Matapos ang ilang minuto ginising kami ng inay at sinabing dumating na si Santa kaso nagmamadaling umalis dahil madami pang dadaan na mga bata. Ngumiti lang ako dahil alam ko na si Santa ay kasama ko araw-araw.
Simple ang pagsapit ng pasko sa aming lugar. Pagsapit ng ika-25 ng Disyembre, madaling araw pa lang gising na ang lahat at magsisimula na kaming mag-ikot sa bahay bahay para mag-MANO. Heto ang karaniwan naming sinasabi.
"Mamasko ho!" (sabay abot sa kamay at mano).
"Kaawan ka Diyos at nawa'y sapitin pa tayo ng maraming pasko!" ang tugon ng mga matatanda.
Simple lang pero pag-iniisip ko ngayon, ito ay tulad ng isa pagbabasbas para mas mahabang buhay at pagsasama.
Heto na naman ako sa isang sulok habang pinagmamasdan ang kapaligiran at nakikinig sa malamyos na tinig ng musika ng kapaskuhan. Dahan-dahang umagos ang mga mainit na luha sa aking mga mata. Labing tatlong (13) taon na pala akong hindi nakakapag-pasko kasama ng mga aking pamilya. Ngayon wala na ang tatay at inay, wala ng magbabasbas sa amin tuwing sasapit ang pasko. Labing tatlong (13) taon ang nakalipas at alam kong iba ang pasko namin ngayong taon. Ito ang unang pasko na wala na ang Santa Claus na nagbigay ng kendi sa aming butas na medyas. Malungkot kung iisipin pero alam kong hindi ito ang gusto ng inay sa darating na kapaskuhan. Alam kong gusto niyang mag-saya kami tulad ng dati at wag kalimutan ang mga alaala noong aming kamusmusan na siyang nagpapatibay para pagsasama naming magkakapatid. Maaring hindi na namin mararamdaman ang mainit ng kanyang yakap at ang mga tawang nagbibigay liwag sa tahanan pero alam kong nandyan siya kasama ang tatay para gabayan kami hanggang sa muli naming pagkikita.
===================
Sa mga darating na kapaskuhan, malayo man o malapit tayo sa ating mga pamilya, wag nating hayaang mawala ang init ng pagmamahalan sa isa't-isa. Patuloy natin ipadama ang diwa ng kapaskuhan sa bawat isa. Hindi mahalaga ang magarbong pagdiriwang, ang importate ay pagmamahalan. Kalimutan ang sakit na dulot ng hidwaan bagkus palitan ito ng pagmamahalan, dahil ito ang tunay na diwa ng pasko: PAGPAPATAWAD, PAGMAMAHALAN at PAGBIBIGAYAN ng kapayapaan.
Muli Mamasko po.
Mga Komento