Lutrina
Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang kinalakhang mga tradisyon kahit pa sabihin natin na makabago na ang panahon ngayon ang mga bata ay may kanilang tradisyon na balang araw ay kanilang ikukwento sa mga susunod na henerasyon, maaring hindi katulad ng tradisyon na aking kinalakihan pero alam kong darating ang araw na ipagmamalaki din nila ang kanilang panahon o di kya sasabihin nilang: Noong panahon namin... blah! blah! blah!
Dahil sa sunod-sunod ang mga kalamidad, digmaan, sakuna, mga sakit na kumikitil ng maraming buhay, at kung anu-ano pa; biglang sumagi sa aking isipan ang isang tradisyon na aking kina-gisnan. Lumaki ako sa baryo na kung saan ang pagbubukid ang pangunahing pinagkukunan ng aming ikinabubuhay, pero hindi tulad ng karaniwang magbubukid, kami ay umaasa sa bawat patak ng ulan dahil wala sa aming irigasyon ng tubig. Alam ng mga magsasaka kung kailan uulan at kung kailang aaraw dahil noon ay wala naman kaming "Weather app" na pwedeng magsabi sa amin kung ano ang lagay ng panahon. Pero ganun pa man, minsan may mga panahong mahaba ang tag-araw na siyang pumapatay sa maraming tamin sa bukid dahil sa pagkatuyo ng mga tanim, at dito ko natutunan ang isang tradisyon sa aming lugar na kung tawagin ay "LUTRINA".
Payak ang tradisyon na ito. Naalala ko noon magsasama-sama kaming mga bata at may iilang may edad ang magsisimula ng Lutrina. Maglalakad kaming walang saplot ang paa tapos mag-dadasal kami ng Ave Maria. Ilang kilometrong lakad at pagkatapos kami ay hihiling na sana ay umulan... oh di ba parang "rain dance" lang ang drama namin noon. hehehehe. Pero hindi ko alam ang hiwaga ng Lutrina, minsan hindi pa tapos ang aming dasal ay dahan dahan ng bubuhos ang malamyos na patak ng ulan.
Hindi ko na nadidinig ang salitang Lutrina ngayon, hindi ko alam kung sino ang nagpasimula nito, ang alam ko lang may simpleng himala sa likod ng bawat hakbang at dasal tuwing Lutrina. Siguro marahil sa panahon ngayon mahirap ng paniwalaan ang ganitong bagay pero noong panahon namin ang simpleng pagtitiwala sa Panginoon ang nagbibigay sa amin ng pag-asa. Maaring hindi na akma ang ganitong gawain sa panahon ngayon pero ang simpleng dasal at pagtitiwala sa Diyos ay kailan man ay hindi magbabago. Kung ano 'man ang landas na tinatahak mo sa iyong buhay ngayon, baka gusto mong simulan ang Lutrina sa iyong buhay... simpleng penetensya at simpleng dasal para sa kasagutan sa iyong panalangin.
Mga Komento