No Title
Dumarating tayo sa punto ng ating buhay na minsan hindi natin alam kung saan tayo patungo. Marami tayong mga tanong na kadalasan walang kasagutan. Marami tayong mga dasal na kadalasan ay tila bingi ang langit at tila hindi nadirinig ang bawat usal na ating panalangin. Panahong gusto mong ngumiti pero luha'y patuloy ang patulo sa iyong mga mata. Panahong nangangarap ka na may kausap pero tila lahat ay abala at walang panahon sa'yo. Panahong yung mga taong iyong pinakatiwalaan ay sila pa ang yuyurak sa iyong pagkatao at dangal at sisira ng iyong tiwala.
Kaibigan, hindi sa lahat ng panahon ay laging sumisikat ang araw. Dumarating ang araw na ito ay lulubog at muling magkukubli at babalutin ng dilim ng gabi. Ngunit hindi nangangahulugang ang dilim ng gabi ang katapusan ng lahat, bagkus ito ay nagpapaalala sa atin na sa bawat dilim o pagsubok sa buhay ay muling darating ang panibagong araw; ng panibagong pag-asa. Alam ko sa panahon ngayon marami tayong agam-agam sa buhay, maraming mga tanong, takot sa kinakaharap dahil sa hindi kasiguraduhan kung ano ang naghihintay na bukas, marami sa atin ang nagtatanong sa Diyos kung bakit, marami din tayong mga kakilalang nalulumbay sa mga oras na ito dahil sa paglisan ng mga taong kanilang mahal o maaring ikaw ito na nagluluksa at puno ng lumbay ang iyong puso sa paglisan ng mahal mo sa buhay. Alam kong mahirap, pero tandaan natin sa bawat hirap na ating kinakaharap sa mga oras na ito, isipin din natin na kasama natin ang Diyos na naglalakbay na kasama natin. Minsan mahirap paniwalan, pero 'wag kang mawalan ng pag-asa, 'wag kang bibitaw, 'wag kang makinig sa mga bulong na nagsasabi sa'yo na wala ng pag-asa. Okay lang umiyak kung ikaw ay nalulumbay, hindi ito simbolo ng kahinaan bagkus tanda ito na ikaw ay tao lang na nasasaktan.
Kaibigan, tantuin mo na Mahal ka ng Diyos at ang buhay ay tulad ng isang paglalabay na may iba't-ibang daan na kailangan mong tahakin.
Isang mapagpalang araw ng Biyernes
Mga Komento