Ang Istorya ng aming buhay

Paano nga ba ang mangarap at mag tagumpay sa gitna ng kahirapan? Ito ang ilan sa mga katanungan namin na parang walang kasagutan noong mga panahong yaon. Hayaan ninyo ibahagi ko sa inyo ang kwento na aming pamilya. Ano ba ang naging sangkap kung paano kami nakaahon sa hirap ng buhay.

Isinilang at lumaki kami sa maliit na barangay na kung tawagin ay Laurel sa pagitan ng dalawang Ulango (Tanauan at Calamba). Payak at masaya, masarap na mahirap, malungkot na masaya, pero kahit ilang bagyo pa ang dumating sa buhay namin lalaban kami at tatayo na taas noo dahil alam namin na wala kaming inaapakan na tao. Buklod ng pamilya ang naging susi ng aming tagumpay, sa kadahilanan ng isang paniniwala ng aming mga magulang na ang pagsama-sama ng mga pusod namin ay magsisilbing alala na hindi mawawala o mapuputol ang pagmamahalan at koneksyon ng buhay namin sa isa’t isa, respeto at pagmamahalan sa kapwa at higit sa lahat may takot sa Diyos.
Hindi naging mabait ang tadhana sa amin noong nagsisimula pa lang kami. Naranasan din namin na walang ulam o minsan naman ay tubig at asin, may mga panahon na pinaghahalo ang bigas at mais sa sinaing dahil sa kakulangan ng bigas, ang hawot (tuyo) ay hahatiin pa sa gitna para lahat ay may-ulam. Kung meron lang okasyon saka lang kami nakakakain ng baboy o magpapatay ang inay ng manok. Hindi namin naranasan maghanda tuwing sasapit ang kaarawan dahil sabi ng inay ayaw niyang ngayon kaya niyang maghanda pero paano kung dumating ang kaarawan ng isa at wala na siyang pambili? Para patas kami kaya hindi namin naranasan ang kahit anong handaan tuwing aming kaarawan.
Musmos pa lang kami, nagti-tinda na ang aming ina sa palengke ng Binan para may pagtustos sa aming pangangailangan. Bago tumanghali umaalis na siya ng bahay para mamili ng mga pwede nyang ibenta sa Binan. Sa hapon naman iluluwas nila ito para ibenta sa buong magdamag. Literal niyang ginawang araw ang gabi. Kahit gaano kahirap ay wala kaming nadinig na reklamo sa inay, sabi nga pag ikaw ay naging magulang iisipin mo lahat ang ikakabuti ng iyong mga anak dahil ayaw mong maransan nila ang hirap na iyong pinagdaanan. Dito namulat ang aming mga mata kung gaano kahirap kumita ng pera at kung gaanong pagtitiis ng inay para makapundar; ngunit sa isang banda nagmulat din ito sa amin kung paano lumaban at mabuhay.
Isa sa turo ng aming magulang noong aming kabataan at alam kong nadinig na ninyo ito pero ito ay tumatak sa aming lahat: "Wala akong maipapamana sa inyo pagdating ng panahon kundi edukasyon." Hindi kami nabibiyayaan ng sobra-sobrang talino pero nabiyayaan naman kami ng tiyaga at determinasyon sa buhay. Sa tulong ng Panginoon at gabay ng magulang, kaming limang mag kakapatid ay nakapag tapos ng kolehiyo. Si Ate Vangie at Ate Ellen ay pawang nakapagtapos sa Tanauan Institute sa kursong BS Accountancy at BS Management, si Ate Pilar, Ate Irene at ako ay sa Adamson University sa kursong BS Architecture, BS Psychology, at BS Computer Science. Alam kong bilang isang magulang bakas ang ngiti ng mga inay tuwing umaakyat kami sa entablo para tanggapin ang aming diploma.
Masinop ang inay at ito ang isang katangian na masasabi kong lahat kaming magkakapatid ay na-mana namin. Tinuruan niya kami kung paano magtipid at humawak ng pera. Mamuhay ng naayon sa iyong kakayanan. Huwag kang mainggit sa kung anong meron ang iba na wala ka, bagkus gawin mo itong inspirasyon para makamit mo ang mga bagay-bagay na nais mong marating.
Okay lang magkamali pero hindi tama ang sumuko tuwing magkakamali ka, bagkus tumayo ka kung saan ka nadapa at ipagpatuloy mo lang ang buhay at pasa-saan ba at makakarating ka din sa kung saan mo gustong pumunta. Hindi natin malalaman kung makakaya natin, kung sa simula pa lamang ay umaayaw ka na.
Kung may pangarap ka, magsumikap ka. Hindi dahilan ang kahirapan para hindi mo pwedeng maabot ang iyong pangarap. Maaring hindi mabilis mangyari ang pagbabago sa buhay pero unti-unti at patuloy kahit gaano pa yan kaliit, ito ay mangyayari. Matuto tayong mangarap at huwag matakot sumubok.
Marami pang bagay ang mga naituro ng aming mga magulang para makaahon sa hirap. Pero siguro masasabi ko din na kahit gaano pa kadami ang turo nila sa amin at kung ayaw namin gawin, wala naman mangyayari. Siguro naging bukas lang kaming magkakapatid sa lahat ng kanilang turo at isinabuhay namin ang lahat ng ito.
Sa kasalukuyan, lahat kaming magkakapatid ay naninirahan sa ibayong dagat. Apat ay nakatira sa United States of America at isa sa New Zealand. Malayo 'man kami sa Laurel pero hindi namin kinalilimutan at kinahihiya kung saan kami nagmula. Ang Laurel ay naging malaking bahagi ng aming pagkatao at kung sino kami ngayon. Sa Laurel kami nagmula at dito nagsimula ang unang hakbang ng aming tagumpay.
Yun lang po at patuloy tayong mangarap. Sabi nga Mangarap ng Malaki at pilitin mo itong abutin sa tamang pamamaraan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin