Sana

Pagnakakakita ako ng itim na background o kandila na profile picture dito sa FB, mababasa mo sa mga kumento ang pakikidalamhati sa taong naulila. Pero walang taong higit na makakaunawa sa taong naulila kundi ang taong inilisan na din ng kanilang mahal sa buhay.

It's been awhile ng pumanaw ang inay at ang tatay pero hanggang ngayon paulit-ulit akong dinadalaw ng alaala ng mga huling sandali na kasama ko sila. Paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan ang mga huling salitang nasabi nila. Naalala ko ang sabi ng tatay ng paalis na ako sa Pilipinas noong akin siyang bisitahin habang nakaratay siya sa kanyang higaan. Sabi niya: "Oto bakit kailangan mong umalis? Pwede bang huwag ka munang umalis?" mga huling salita na sinabi ng tatay sa akin, pero wala naman akong magagawa kundi lumisan ng panahon na iyon para bumalik sa ibayong dagat. Kung maibabalik ko lang ang pagkakataon na iyon, gusto kong bumalik at muling haplusin ang kanyang mukha at sabihin, "Oho, 'tay di na ako aalis. Dito muna ako hangga't kayo ay gumaling." Ngunit huli na ang lahat, makalipas ang isang linggo, pamanaw na ang tatay.

Pumanaw ang Inay ako ang kanyang kasama sa ospital, ngunit hindi pa din mawala sa aking isipan ang araw na dumating kami sa Amerika ng malaman naming nakaratay siya sa ospital. Sabi ko sa kanya: "Andito na si Oto" at hindi na namin napigilang dumaloy ang luha sa aming mga mata. Sabi ng inay: "May sakit ang inay, ipagdasal mo ako Oto."  Ilang araw ko din kasama ang inay sa loob ng kwarto ng ospital hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Masakit mawalan ng magulang. Minsan gusto kong tawagan ang Tatay o ang Inay, hindi ko naman gusto ang mahabang kwentuhan, gusto ko lang muling madinig ang kanilang tinig at sabihin sa akin na: "Kumusta na ga diyan Oto? Kumain ka na ga? Hindi ka ga nagkakasakit?" mga salitang hindi ko na muli madidinig, ang mga boses na tanging naglalaro na lang sa aking isipan. Minsan gusto mo lang naman humimlay sa kanilang piling. Gusto mo lang maramdaman na andyan sila sa tabi mo tulad noong kami ay musmos pa lamang; nakahiga sa matigas sahig na may-sapin na banig habang pinagmamasdan ang pinagputulan ng aming pusod na magkakapatid na nakatali sa bubong ng bahay at muling tanungin ang inay kung bakit magkakatabi sa bubong ng bahay ang aming mga pusod at sasabihin niyang "Para habang buhay kayong magkakasamang magkakapatid."

Maaring nasa panahon ka ng buhay mo ngayon na katulad ko: Ulila at wala na ang mga magulang. Alam ko ang sakit. Alam ko ang lungkot. May mga araw na kusang papatak ang iyong mga luha na hindi mo namamalayan. Gaano ka 'man katanda, pagnawala na ang iyong magulang tulad ka pa din ng isang musmos na naghahanap ng mahigpit na akap at pagaruga ng magulang pagsumapit ang panahon na yaon.

Kung kasama mo pa ang iyong magulang ngayon; mapalad ka. Huwag mong sayangin ang pagkakataong nandyan sila sa iyong tabi. Huwag kang mahiya na sabihin mo kung gaano mo sila kamahal dahil pagdumating ang araw ng kanilang paglisan, kahit gaano mo pa isigaw ang iyong pagmamahal, hindi na nila ito madidinig. Huwag mo ng hintayin ang panahon na sabihin mong: SANA...


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin