Lee Kuan Yew (1923-2015)
Noong ika 23-Marso sa ganap na 03:18 ng umaga (GMT), niyanig ng isang balita ang Singapore na nagbigay lungkot sa bawat taong naninirahan dito o maging dayuhan man na katulad ko. Ito ang araw na pumanaw ang nagbigay kahulugan sa salitang Kalayaan sa Singapore: ang pagpanaw ni Lee Kuan Yew (LKY). Sa mga hindi nakilala kay LKY, siya ang naging silbing AMA ng mga Singaporean noong panahon na humiwalay ang isla ng Singapore sa Malaysia. Siya ang nagbangon sa Singapore mula sa 3rd world country hanggang maging 1st world country. Kaya ganun na lang ang hinagpis ng bawat tao noong araw na siya ay lumisan.
Malungkot si Uncle Eddie (ang aking taxi driver sa loob ng halos apat na taon) noong lunes nang sumakay ako sa kanyang taxi. Bakas sa kanyang boses ang lungkot habang ikinukwento niya ang buhay nila noong panahon na walang-wala ang Singapore kaya ganun na lang ang kanyang respekto kapag pinaguusapan namin si LKY. Hindi ko man tahasang kilala si LKY pero ang kanyang mga nagawa sa Singapore ay sapat na para na magbigay galang at pugay sa kanyang kahanga-hangang mga ginawa para maitaguyod ang bansang naging pangalawa ko ng tahanan sa loob ng higit isang dekada.
Noong Miyerkules inilipat ang kanyang labi mula sa Istana (bahay ng Presidente) papunta sa Parliant Bldg (Padang). Habang pinapanuod ko ang video sa telebisyon, hindi ko mapiligan tumayo ang bawat hibla ng aking balahibo dahil mararamdaman mo ang lungkot sa bawat taong naka-pila sa kahabaan ng daan habang binabagtas ng sasakyan na nagdala sa kanya patungo sa Parliant Bldg. Hindi ko maiwasang maitanong sa aking sarili: Kailan kaya maghihinagpis ang bawat Pilipino sa pagkamatay ng kanilang pinuno?
Simula noong Miyerkules hanggang sa araw na ito patuloy ang pagdagsa ng mga taong pumipila para ibigay ang kanilang huling respekto sa kanilang yamaong AMA. Nakakapanindig balahibo na makita mong higit walong oras pumipila ang ibang tao para lang magbigay ng huling paggalang: maging bata, matanda, babae, lalaki, maging dayuhan man ay pumipila din para ibigay ang huling paggalang at huling sulyap sa kanyang labi.
Hindi man ako nakapila para magbigay ng aking huling sulyap at huling paggalang sa Ama ng bansang kumupkop sa akin; hayaan ninyo na kahit sa pamamagitan ng akdang ito ay maibahagi ko ang aking paggalang sa kanya.
Para sa kagalang galang na Lee Kuan Yew, ang aking taos pusong pagluluksa at pagdadalamhati sa iyong paglisan. Saludo ako kung paano mo binago ang anyo ng munting isla na ito hanggang tuluyan itong maging isang Leon sa gitna ng kagubatan. Ang iyong nasimulan ay kailan man ay hindi maglalaho sa bawat taong nasaksihan ang iyong kakayahan bilang isang mahusay na pinuno. Ang iyong mga nagawa ay patuloy na pakikinabangan hindi lang ng aming henerasyon ngunit pati na sa mga susunod na panahon. Ngayon na ikaw ay payapa ng namamahinga sa kabilang buhay, dumadalangin ako sa walang hanggang katahimikan ng iyong kaluluwa.
MAJULAH SINGAPURA!
#lky
#rememberingleekuanyew
Mga Komento