Silid Tulugan

Magisa lang ako sa bahay ngayon. 

Habang ako ay nakahiga sa kama at pinagmamasdan ang apat na sulok ng kuwarto kung saan ako namamalagi ngayon, biglang bumalik ang aking ala-ala noong aking kabataan. Malilimutan ko ba ang hitsura ng aming higaan noong ako'y musmos pa lamang? Kahit baligtarin ko man ang mundong aking ginagalawan, hinding-hindi ko malilimutan ang panahong nakahiga ako sa aming mumunting bahay.

Samahan ninyo akong silipin ang silid ng aking kamusmusan.

Pagpasok mo sa loob ng aming tahanan, ang una mong mapapansin ay ang sahig na lupa at may konting semento na tumigas dahil sa pinaghaluan ng semento para sa dingding. Sa tuwing tag-araw, ang sahig namin ang aming laruan. Nakaupo sa alikabok na wala kaming pakialam na kahit gaano pa ito kadumi. Sa pagsapit ng tag-ulan ay putik naman ang naghihitay. 

Dalawa hanggang tatlong hakbang at mahahawakan mo na ang hagdan paakyat ng bahay. Hindi ko ito malilumutan dahil sa hagdan na ito marami mga bagay ang nangyari. Isa na dito ay sa tuwing may umaakyat ng ligaw sa aking mga kapatid, ako ang taga bantay. Naka kaupo ako sa pinakataas na baitang ng hagdaan habang pinagmamasdan ko ang aking mga kapatid at ang kanilang manliligaw, na tanging aandap-andap na liwanag ng ilaw ang aking katabi. 

Pagka-akyat mo hagdaan, may maliit na lugar kung saan lagi kami umuupo ng mga inay. Ito ang naging saksi sa maraming kwentuhan at malalakas na tawanan na minsan ay may halong kababalaghan na kwento ng tatay.  Sa lugar din na ito, doon nalakagay ang aking duyan na yari sa kumot. Saliw sa uyayi ng inay at ng aking mga kapatid, ito ang aking naging himlayan sa tuwing sasapit ang hapon. 

Pagkatapos nito, sasalubong ang pintuan papunta sa aming higaan. 

Yari sa kawayan na minsan ay butas pa ang sahig ng aming silid tulugan. Makikita mo ang silong na kung saan nalagay ang palay at kakarampot na gamit sa bahay. Sa tuwing sasapit ang takip-silim, ilalatag ang banig, kukunin ang unan na yari sa buboy, at ang kumot na kadalasan ay butas at kung minsan ay may-tagpi. Sama-sama kaming matutulog sa loob ng iisang kwarto, katabi ang aking mga kapatid at ang aking inay, ang kwartong iyon na kahit walang malambot na kama o unan o kahit tagpi-tagpi ang kumot, ito ang masasabi kong puso at kaluluwa ng aming tahanan.  Si tatay, dahil hindi na niyang kayang umakyat ng hagdaan kaya sa baba ng bahay siya natutulog.

Habang kami ay nahiga, makikita mo ang pusod naming magkakapatid na nakatali sa bubong ng bahay. Tinanong ko ang inay kung bakit nasa bubong ang aming mga pusod. Ngumiti lang siya at nagsabing, pinagsama-sama ko ang pusod ninyong magkakapatid para habang panahon, kahit saan 'man kayo makarating ay lagi kayong mag-kakasama. Noon hindi ko nauunawaan ang mga bagay na iyon, ngunit ngayong may sapat na akong pagiisip doon ko lubos na unawaan ang nais sabihin ng inay.

Sa isang sulok ng kwarto andoon ang ilaw na siyang nagsisilbing liwanag sa tuwing sasapit ang gabi. Ngunit mapalad ako dahil sa tuwing sasapit ang gabi at tahimik ang paligid, katabi ko at kaakap ang ilaw ng aming tahanan. Alam kong kahit gaano kadilim ang gabi ang init ng kanyang pagmamahal ang nagbibigay sa akin ng katiyakan.  

Sa tuwing iniisip ko ang mga alaalang ito,  may saya at lungkot na bumabalot sa akin. Lungkot kasi alam kong hindi na muling maibabalik ng ngayon ang kahapon na lumipas, ngunit masaya ako dahil ang kahapon na lumipas ang nagbibigay gabay kung nasaan ako ngayon. Payak ang kinalakhan kong buhay pero ito ang buhay na hindi kayang palitan gaano 'man kalayo at katayog ang aking maraming. Mapalad akong tinahak ko ang landas na iyon at mapalad akong humimlay sa loob ng aming lumang silid tulugan na siyang nagbigay ilaw sa aking kaisipan. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin