Tiwala at Pag-asa

Ika-tatlo ng Agosto, araw ng Sabado ng lisanin ko ang bansang Singapore na naging tahanan ko sa loob ng higit labing apat na taon. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon, kasama ang mga malalapit na mga taong naging bahagi ng aking paglalakbay kahit sa huling sandali ay hindi nila ako iniwan. Lungkot at takot ang bumabalot sa akin ng mga oras na iyon. Lungkot dahil iiwan ko ang madaming taong naging malaking bahagi ng aking buhay at higit sa lahat ang aking pamilya. Hindi ko maiwasang pumatak ang mainit luha mula sa aking mga mata pababa sa aking pisngi. Pero kailangan kong magpakatatag. Ito ang laban na hindi kailangang sumuko. Takot ako noong mga panahon na iyon dahil makiki pagsapalaran ako sa bansang hindi pa nakakatuntong ang aking mga paa at hindi ko alam kung ano ang naghihitan. Pero mabait ang Diyos dahil may mga kaibigan akong naghihintay sa aking pagdating. 

Umaga ng ika-apat ng Agosto ako dumating sa New Zealand. Maulan at malamig ang klima. Ibang-iba sa Singapore na laging mainit. Paglabas ko pa lamang sa paliparang pandaigdig ng New Zealand naghihintay ang dati kong kasamahan sa Singapore. Nakakatuwang isipin na maraming Filipino ang nagdadamayan lalo na pagdating sa ibang bansa. Nakitira ako sa bahay na hindi ko naman kilala pero binuksan nila ang pintuan ng kanilang tahanan para ako ay patuluyin. 

Sa loob ng isang araw marami na agad akong nakilala. Nagkita kami ng aking Ninong at Ninang sa kasal. Huli ko silang nakita ay noong nasa Citibank pa ako sa Pilipinas (2005). Ilang kasamahan sa CFC-Singapore din ang aking nakita ng araw na iyo.

Sa loob ng isang linggo, marami na agad ang nangyari. May panayam na ako sa iba't ibang kumpanya. Umattend ako ng mga IT meet-ups. Sumali ako sa mga church choir. Sabi kasi nila pagdumating ka sa NZ dapat madami kang koneksyon. Isa yun sa natutunan ko dito. Halos na kumpanya, ang hinahanap nila ay may kakilala ka na sa kanilang kumpanya na makukunan nila ng reference. Ibang iba sa Singapore.

Maraming magagandang lugar New Zealand lalo na kung ikaw ay mahilig sa nature, matutuwa ka dito. Ang routine ko araw-araw; pagising sa umaga kailangan kong magpadala ng resume sa higit sampung kumpanya kahit anong mangyari. Kung wala akong interview, yun naman ang araw na gagala ako. Hahanapin ko sa map kung ano yung mga lugar na pwede kong puntahan. 

Magandang pagmasdan ang mga larawan sa facebook pero hindi lahat ng nakikita natin sa social media ay totoo, minsan sa bawat ngiti ay may kalakip itong lungkot na nagkukubli sa masayang larawan.

Hindi lahat ng araw ay masaya. Hindi ko na mabilang kung gaano kadaming patak ng luha ang aking naubos sa tuwing ako'y papasok sa loob ng simbahan. May mga araw na wala ka ng ginawa kundi tanungin ang Diyos. May mga araw na hindi ka na makapagsalita dahil hindi mo na alam ang iyong sasabihin. May mga araw na gusto mo lang na humimlay sa piling Diyos at muling madama ang init ng kanyang pagmamahal. Maraming araw na nagtatanong ka sa sarili mo na tama pa ba ito? Kailan ba ito matatapos? Ano ba ang gusto ng Diyos para sa akin?

Pero dalawang bagay ang aking pinahahawakan sa tuwing dumarating ang mga oras na yun: Tiwala at Pag-asa sa Diyos. Dalawang bagay na nagpapatag sa akin. Sa tuwing dumarating ang lungkot ang dasal ko sa Diyos ay bigyan ako ng ligaya at katiwasayan. May mga panahon na sobrang lungkot ko pero pagsinabi ko sa Diyos na bigyan Nya ako ng Ligaya at Katiwasayan, hindi ko maunawaan pero parang ang saya-saya ako na kahit alam kong hindi ko alam kung saan ako patutungo. 

Mahirap makipagsapalaran sa ibayong dagat lalo't higit malayo sa iyong mga kaibigan at pamilya. Minsan gusto mong umiyak sa harap nila pero para saan? Hindi naman mawawala ang lungkot na iyong nararamdaman at lalo lang madaragdagan ang hinagpis ng iyong puso. Kaya para sa mga kapwa kong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat, alam kong mahirap... pero isipin mo para saan ba ang iyong pakikipaglaban? doon ka kumuha ng lakas sa dahilan kung bakit. Magitwala ka sa nasa itaas at makinig ka sa gusto ng Diyos kung ano ang nais Niya para sa'yo. Hindi bingi ang Diyos, minsan gusto lang Niyang bitawan mo lahat ang iyong hawak at hayaan mo Siyang gumalaw sa iyong buhay.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin