IBAYO

“Batangas!!! Batangas!!!” ang sigaw ng kundoktor sa ilalim ng fly-over ng Kamias. Tila, nageenganyo sa mga naglalakad na mga tao sa tapat ng terminal ng bus. May mangilan-ilang sumasakay samantalang ang iba ay tila walang pakialam at parang walang naririnig na tawag ng kundoktor.

“Daan po ba ng Tanauan?” ang malugod kong tanong sa kundoktor.
“Kahit saang sulok ng Batangas padaanin natin sumakay ka laang!” ang sagot ng kundoktor habang naka-umis sa akin.

Makalipas ang ilang taon na pamamalagi sa ibayong dagat, heto at muli na akong babalik sa aking kinalakhang baryo sa Tanauan.

Ilang minuto bago tuluyang umusad ang sinakyan kong bus upang tahakin ang kahabaan ng EDSA at South Super Highway. Kay-laki na talaga ng ipinagbago ng Maynila simula ng ako ay umalis dito. Ma-traffic pa din, siguro bahagi ng pagunlad ng isang lungsod ang traffic. Marami ng mga bagong gusali ang nakatayo sa kahabaan ng EDSA.

Habang binabagtas namin ang kahabaan ng South Super Highway, naalala ko ang mga panahon na umuuwi ako ng Batangas, kamusta na kaya ang mga tao sa amin? Ano na kayang bago sa amin? Mustha na kaya ang mga batang makukulit na dati-rati kong mga kasama sa paglalaro kahit ako ang pinakamatanda sa kanilang lahat. Sobrang na-miss ko ang mga araw na tuwing uuwi ako sa amin, kailangan kong bumili ng mga candies para sa mga bata at para may baon kami sa aming pamamasyal sa kakahuyan at sa parang sa IBAYO.

Ewan ko ba, masaya ang feeling ko pagkalaro ang mga bata… Ganun lng kababaw ang aking kaligayahan, simpleng buhay kapiling ang mga kaptbahay namin na batang makukulit.

“Tanauan!!!, Tanauan!!!” ang sigaw ng kundoktor… Hindi ko halos namalayan na ilang oras na pala akong nagbibiyahe… Kay laki na ng iniunlad ng aming bayan, maraming mga bagay na ang nagbago… Ibang-iba ang hitsura nito kumpara noong ako ay huling umalis ng Pilipinas.

Binagtas ko ang kahabaan ng kalsada patungong palengke kung saan andun ang paradahan ng sasakyan patungo sa aming nayon.

Ano na kayang hitsura nito. Naalala ko pa noong kabataan ko, malalim ang lubak tuwing sumasapit ang tagulan at makapal naman ang alikabok tuwing sasapit ang araw ng tagaraw. Maraming mga alala ang patuloy na nabubuhay sa akin sa aming nayon, maging masamang karanasan man ito o maganda. Masasabi kong hindi ako magiging ganito kung hindi dahil sa aking mga karanasan sa buhay.

Pagdating ko sa paradahan ng jeep, dagli akong sumakay. Wari’y pinagmamasadan ako ng mga tao sa loob nito. Siguro nagtataka sila kung sino ako. Ilang taon na din akong hindi nawawagi sa aming nayon tapos noong andito pa ako sa Pilipinas, mas malimit pa ako sa maynila kung saan ako nangungupahan ng bahay kasama ang aking kapatid.

“Iho taga saan ka ba ga?” ang tanong ng isang matandang babae na kanina pa nakatingin sa akin.
“Sa Laurel po!” ang aking sagot habang nakangiti sa kanya.
“Anong Laurel? Sa Ulango ba o sa Bayoyungan?” anang matanda
“ Sa Ulango po sa likod ng iskol po ng Laurel.” Ang aking wika.
“Aba kanino ka ga pupunta dun? Kina Fiscal?”
“Sa amin po… Dun po ako nakatira dati, tiyuhin ko po si Fiscal, anak po ako ni Esing at Talino…”
“Ha?? Ay ikaw ga si Ireneo, yung nag-iisang anak na lalaki nina Esing?” takang sambit ng matanda. (Ireneo kasi ang tawag ng mga matatanda sa akin sa aming nayon… kasi yung kapatid kong isa ay pangalan ay Irene, magkapareho kasi kami ng kapanganakan.)
“Ay oho! Ako nga, kadarating ko lng ho galing ibang bansa, medyo matagal na po akong hindi nakakauwi sa amin eh.. Gusto ko sanang sopresahin ang mga inay… Kaya wala ho akong gasinong dalang gamit para madaling makalabas sa airport…”

Ilang sandali pa ay umusad na ang jeep, patuloy ang kwentuhan ng mga sakay nito… Mga kwentong kay tagal kong hindi na dinig… Ang ilan ay patuloy ang tanong sa akin… Yung iba ay nakatingin lang sa akin marahil hindi taga doon sa aming nayon kaya hindi ako kilala…

Halos ilan na lang ang sakay ng jeep ng dumating sa aming lugar. Nagpaalam sa matandang nakasakay ko at naging kakwentuhan… Medyo malayo pa kasi ang bahay nila sa may Ulago, Calamba pa.

Kaiba talaga ang aming lugar nasa pagitan kami ng dalawang Ulango, Ulango Tanauan at Ulango Calamba. Dulo kasi ng Batangas ang lugar namin. Tumawid ka lng ng kabilang kalsada nasa Laguna ka na.

Kay ganda talaga ng lugar namin. Sa gawing kanluran tanaw mo ang “Palace in the Sky” sa Tagaytay, samantalang sa silangan kung saan sumisikat ang araw.. andun naman ang Bundok ni Maria Makiling na tila nakahigang babae.

Dumaan muna ako sa mga bahay ng pinsan ko upang magmano… tanda ng paggalang sa mga matatanda. Halos lahat ay nagulat sa aking pagdating.. Ang iba ay kasa-kasama ko na pauwi sa bahay… Ganun na lang ang gulat ng aking mga magulang ng ako ay kanilang matanaw… Magkahalong galak at syempre lungkot dahil sa tagal ng hindi ko pag-uwi sa aming nayon. Andun din ang mga batang bubwit na aking mga kasa-kasama sa kulitan noong huli akong umuwi ng Batangas… Medyo nagdadalaga at nagbibinata na ang iba.. Samantalang ang ilan ay ganap ng binata at dalaga… Ang bilis ng panahon…

Kwentuhan ng walang pagod…Halakhakan, kumustahan at syempre ang kainan… Isa yun sa aking na-miss sa lugar namin ang kumain ng kumain.

Halos dilim na ng halos maguwian ang mga pinsan ko sa kani-kanilang bahay… Pero may mga mangilan-ngilan pa din ang dumadaan para makibalita sa aking karanasan sa ibayong dagat. Kulang na lang ay I-record ko ang aking sinasabi para hindi na paulit ulit. Hehehe

Kinabukasan, halos sikat na ang araw ng ako ay bumangon sa aking higaaan. Siguro dahil pagod at ganung oras din ako gumigising.

Nakahanda na ang agahan, sariwang gulay at isda, kasama ng ilang putaheng karne ng baboy. Sobra fiesta ang handa ni nanay. Ganun naman talaga ang mga nanay, sobrang maasikaso sa mga anak.

Matapos kumain, napansin ko andun sa harapan ng kapitbahay ang mga bata at tila may hinihintay. Paglabas ko ng bahay…

“Ayun si kuya Renie, gising na!” Ang sigaw ng isa kong pinsan.
“Tiyo Renie!!! Kuya Renie!!!” sigawan ng mga bata sabay takbuhan sa aming bahay.
“Punta tayo ng ibayo…” Wika ng isa
“OO nga, matagal ka na naming hinintay umuwi…” sang-ayon naman ng isa
“OO nga!!!” halos sabay sabay na wika ng lahat..
“Sige…” ang aking wika
Sigawan ang lahat… “Yeehheeeyyyy…”
“Inay, labas lng po ako… punta lng kami ng ibayo” paalam ko kay nanay

Dahil alam naman ni nanay na isa sa na-miss ko ang ibayo, kahit ayaw niya dahil masukal ang lugar at medyo delikado para sa maliliit na bata pinayagan na din nya ako.

Harutan, kwentuhan ng kanilang mga karanasan noong wala ako sa amin… Kani-kanilng takbo patungo sa silangan tapos derecho papuntang ibayo.

Andun pa din ang mga batang kasama ko dati pero ngayon may mga ibang bata na…

Habang binabagtas namin ang daan patungong ibayo, waglit kong naalala noong huling mga araw na andito ako. Medyo may mangilang bahay na dito ngayon samantalang dati, taniman ng tubo at liblib ang lugar. Parang ang bilis ng panahon…

Ilang minuto din kaming naglakad hanggang dumating kami sa lugar kung saan kami lagi naglalaro.

Unahan ang mga bata, pagakyat sa burol para makakuha ang magandang pwestong pwedeng upuan. Medyo masukal na ang lugar dahil siguro walang nagpupunta dun… Pero bakas pa din ang lugar kung saan kami dati umuupo sa maliliit na damong ligaw sa parang.

Haayyy…. Kay sarap ng pakiramdam. Kay ganda ng tanawin, nasa tuktok ka ng burol tanaw mo ang mga puno sa gubat, samantalang sa tabihan mo ay malawak na kabukiran kung saan andun ang mga palay at mais at sa may gawing parang ay andun ang mga bakang nangingikain ng damo.

Maingay at magulo man ang mga batang kasama ko pero, tila kay tahimik ng lugar, payapa at malayo sa lugar kung saan lahat ng tao ay nagmamadaling gumalaw para pagpasok sa kani-kanilang trabaho.

Habang pinagmamasdan ko ang ganda ng lugar, tila para akong lumulutang at papalayo sa mga batang naghaharutan… Pinipilit kong sumigaw at abutin ang kanilang kamay pero parang wala silang nakikita at nadidinig… Papalayo ng papalayo hanggang tuluyang hindi ko na sila masilayan.

Isang malakas ng sigaw sabay balikwas sa aking higaan, pawisan at tila hirap huminga.

Ilang minuto bago ko napagtanto na isang panaginip lang ang lahat. Heto ako nasa loob ng aking silid sa ibayong dagat kung saan ang lahat ng tao ay laging nagmamadali parang walang panahon para tumigil at mamahinga kahit man lamang sa ilang saglit.

Kailan kaya muli ako makarating sa IBAYO, kung saan ang buhay ay payapa, tahimik ang paligid kasama ng mga batang paslit habang naghaharutan sa tuktok ng burol.

Maaring hindi ngayon pero alam ko darating ang bukas para sa aking muling pagbabalik sa IBAYO.

=======
I created this last July 2005...

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin