Ding ang Bato! (Ang pakikidigma ng bagong super hero?) [Chapter 1]

Chapter 1

Mabilis umusad ang panahon para kina Ding at Darna at patuloy pa din ang kanilang halos araw araw na pakikipaglaban sa mga masasamang elemento ng lipunan. May mga panahon na hindi na nakakasama si Ding sa kanyang Ate Narda sa kanyang mga lakad at hindi na ito nakakasakay sa likod ng ate niya dahil abala na siya sa kanyang pag-aaral. Samantalang si Narda naman ay
naging abala na din sa kanyang trabaho bilang isang modelo sa telebisyon.
15 years old na si Ding ng magpakasal si Ate Narda niya sa kapwa modelo din niya. Dahil mahal na mahal ni Ate niya ang napangasawa nito, kaya kahit tawag ng tungkulin bilang isang super heroine ay hindi na niya magawang lulunin ang bato sabay sigaw ng DARNA! Nalungkot si Ding sa mga nangyayari. Marami siyang nakikitang taong nangangailangan ng tulong pero wala siyang magawa. Ano nga ba ang magagawa ng isang tulad niya na walang super magic power tulad ng ate niya.
Isang araw dumalaw ang Ate Narda niya at ang asawa nito sa kanilang bahay sa probinsiya. Medyo malaki na ang ipinagbubuntis ng ate niya at halata na ito sa kanyang suot na hapit na hapit na damit. Habang abala ang ate niya sa loob ng bahay nila, patagong kinuha ni Ding ang shoulder bag ni Narda at nagtungo sa CR. Isa lang ang tumatakbo sa isip niya ng mga oras na yun. Nais niyang makuha ang mahiwagang bato na nilululon ng ate niya tuwing magiging si DARNA ito. Maluwag man sa loob ng CR pero halos maligo siya sa pawis dahil sa kaba, mahirap man sila ngunit hindi naman sila pinalaki sa pag-nanakaw o pangungupit. Dali-dali niyang binuksan ang bag ng ate niya. Nakabalot sa isang tissue na tila matagal ng hindi nagagamit ang bato. Dagli niya itong kinuha at isinilid sa loob ng bulsa ng kanyang suot na short na yari sa maong na pinutol. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng CR para lumabas. Di pa siya ganap nakakalabas sa loob ng CR isang sulyap sa salamin sa loob ng CR at sabay ngiti sa sarili na tila nagsasabing: "I WON!"
Gabi na ng umalis si Narda at ang asawa nito pabalik ng Maynila. Natatawa si Ding habang pinagmamasdan ang ate niya sakay sa kanilang bagong-bagong Jaguar Car. "Si Ate talaga, kung minsan slow! Kung ilululon na lang niya ang mahiwagang bato sabay sigaw ng Darna eh di bongga pa ang arrive niya di ba? Aba eh daig pa ng asawa niyang nakasakay sa Luxury Car...Pero sorry na lang siya ngayon, nasa akin na ang mahiwang bato... Haayyy, minsan wag laging pairalin ang puso.. Paano naman ang nangangailangan ng tulong!" Kumaway lang si Ding sa ate niya ng tumatakbo na ang kotse, habang nakasilip siya sa bintana.

Alas dies na ng gabi pero di pa din dalawin ng antok si Ding. Mangilan-ngilan niyang kinakapa ang bato sa kanyang bulsa. Habang pinagmamasdan niya ang mga magulang niyang mahimbing na natutulog sa tabi niya. Ilang huni pa ng mga kulisap at mga ligaw na kwago ng magpasiya siyang bumaba sa kanilang bahay ay dali-dali siyang nagtungo sa gubat. "Ito na ang pagkakataon para makatulong sa mga nangangailangan. Alam kong masama ang magnakaw pero hahayaan ko bang lumalala ang krimen? Aanhin pa ang damo kung bato na ang tinitira ng mga tao." wika ni Ding sa sarili.

itutuloy...

#ding
#divha
#darna
#kwen2niernie

Para sa iba pang kwento: http://www.reniearcega.blogspot.com.sg

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin