Larawan

Maganda ka pa rin tulad ng aking inaasahan... Ang maamong mga mata, mapupula mong labi at ang mamula-mula mong pisngi. Tulad ka ng isang sikat na artista sa telebisyon kaya maraming nagkakagusto sa'yo. Sinuwerte lang ako at ako ang iyong singaot.

Ganun pa din ang hitsura mo tulad ng huli nating pagkikita. Naalala ko pa dati tuwing hinahaplos ko ang iyong mukha at tuwing bumubulong ako sa iyong mga tainga ng mga matatamis na salita.

Naalala mo pa ba noon, kahit gabi na kailangan pa nating magkita araw-araw. Malayo man tayo sa isa't-isa ngunit nagagawa kong pang magkita araw-araw, at tila di tayo napapagod. Minsan madaling araw man tayong umuwing dalawa, dami mo kasing kwento sa buhay. Minsan nga napapagalitan na tayo nina nanay mo kasi gabi ka na nakakauwi at pag minsan naman ay madaling araw na. Isa lang naman ang nais nating puntahan tuwing matatapos ang ating trabaho, ang umupo sa isang fast food tapos kakain tayo ng burger, fries at softdrinks pero aabutin tayo hanggang mag-sara ang fast food. Ewan ko parang kulang ang araw ko noon pag di tayo nagkikita. Di ba nga kailangang tawagan pa kita araw-araw. Ka-text din kita everyday... Simpleng hi lang masaya na tayo noon.

I really like yung mga jokes mo... Paghumalakhak ka na, sobrang nakakadala at hindi talaga pwedeng di ako tatawa. Naalala mo bang minsang umulan at pareho tayong walang payong? Para tayong mga batang nagtatampisaw sa kahabaan ng daan. Patakbo-takbo hanggang makarating sa pinakamalapit na Bus Stop, tapos pinagtitinginan tayo ng mga tao kasi pareho tayong basang sisiw. Di ba nga kinabusan nun pareho tayong may sakit, tinawagan kita sa bahay ninyo sabi ni Nanay naka-leave ka daw. Kaya di na ako nagdalawang isip kahit may lagnat at inuubo ako pinuntahan kita sa bahay ninyo.

Sabi ng mga kaibigan natin pakasal na daw tayo kasi kulang na lang magsama tayo sa iisang bahay. Tutal daw magkasama tayo araw-araw para makatipid tayo sa gastos. Nagkibit balikat lang tayo noon kasi sabi natin bata pa tayo at may mga plano pa tayong daw unahin. Pangay ka at marami pang umaasa sa'yo. At isa pa wala pa tayong ipon ng mga panahon na iyon.

Di ko malilimutan ang araw ng umalis ako ng Pilipinas. Mabigat sa aking kalooban pero kung nais talaga nating makaipon para sa magiging pamilya natin dapat kahit paano dapat tayong magsakripisyo kahit paano. Ano ba naman ang dalawang taon na di tayo magkikita. May email naman at pwede tayong magsulatan. Tapos naman noon pakakasal na tayo di ba. Halos araw-araw tayong nagtatawagan noon, halos maubos ang budget ko para lang matawagan kita. Inee-mail kita tungkol sa nangyayari sa akin sa opisina, kung sino ang mga kasama ko tuwing lunch, saan ako nag-stay pag weekends, naalala mo yung unang sulat ko sayo kasi may mga patak ng tubig... Pero kung alam mo lang bawat salitang binibitiwan ko sa sulat ko na yun ay katumbas ng walang tiggil na pag-patak ng aking mga luha. Sabi ko na lang sayo na butas ang bubong ng bahay para matawa ka. Pero alam ko naman na alam mo mga patak ng luha ko yun.

Ang bilis ng panahon Honey. Imagine dalawang taon tayong hindi nagkikita. Natiis ko yun para sa katuparan ng ating pangarap. Heto ka ngayon sa aking harapan, pinagmamasdan ang iyong maamong mukha sa larawang bigay ng aking matalik na kaibigan, habang kasama mo ang iyong naging kabiyak sa buhay.

============
Fiction po ito... :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin