Buhangin

Tahimik ang paligid habang pinagmamasdan niya ang bughaw na papawirin kasabay ng pagdama niya sa bawat hampas ng alon sa dalampasigan. Dahan-dahan niyang sinuri ang mapuputing buhangin na gamit ang kanyang kanang kamay. Kumuha siya ng isang dakot nito at wari'y binibilang niya ang bawat butil nito habang dahan-dahan niya itong pinakawalan sa kanyang mga palad. Malawak na tila walang katapusang buhangin ang tanging tumatakbo sa kanyang isipan ng mga oras na yaon.

"Tila tahimik ka ata?" ang wika ng tinig mula sa kanyang likuran na siyang kinagulat niya ngunit hindi siya nagpahalata.
"Wala, nag-iisip lang ako." ang payak niyang sagot.
"Ano ang iyong iniisip." Habang tuluyan na siyang sumabay sa bawat lakad nito sa mahabang buhanginan ng dalampasigan.

Tumigil siya sa paglakad habang nakatingin sa malayo.

"Pagmasdan mo ang malawak na dalampasigan, tila walang katapusan. Pilitin ko mang sukatin ang buhangin ngunit hindi ko mabilang." ang wika niya.
"Anong ibig mong sabihin?" ang tanging naging tugon nito.
"Ang buhay ko ay tila tulad ng isla na ito. Puno ng di mabilang na buhangin. Ang buhangin ng kasalanan. Kasalanan na kahit anong pilit ko tangalin ay patuloy pa din na nanahan sa aking buhay. Ano sa palagay mo mapapatawad pa kaya ako ng Diyos sa aking mga pagkakamali?" wika niya habang tuluyang bumagsak ang kanyang mga luha.
"Masdan mo ang malawak na karagatan, tila walang katapusan at walang hangganan. Ganyan ang pagmamahal sayo ng Diyos. Ang mga buhangin na nakikita mo ay walang silbi sa laki ng pagibig ng Diyos sa'yo. Huwag kang tumingin sa buhangin bagkus tingnan mo ang ang dagat pag-ibig."

Reflection:
Marami sa atin ang narasan na siguro ang tulad ng tao sa kwento o maaring nasa estado tayo ng buhay natin ngayon na nandoon tayo. Yung pakiramdam mo na walang kapatawaran sa mga pagkakamaling nagawa natin sa ating buhay. Ngunit sabi nga ang pagmamahal ng Diyos ay tulad ng  karagatan; malawak, malalim at walang katapusan. Maaring nagkakamali tayo sa mga binabagtas na daan sa ating buhay pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na natin kayang matagpuan ang tamang daan pabalik.

Kaibigan tantuin mo; hinayaan ng anak ng Diyos na idipa ang kanyang mga kamay sa krus at hayaang ipako dahil sa kanyang pagmamahal sa atin. Maaring nasa madilim kang mabahagi na iyong buhay ngayon pero subukan mong lumakad at hanapin ang liwanag. Maaring mahirap pero hindi mo ito masusumpungan kung hindi mo sisimulang hanapin.

#TGIF

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Burol 101

EULOGY - Ang huling paalam sa Tatay.

Pamahiin